Gomez, Grandea namaalam na rin

MANILA, Philippines –  Lumasap agad ng dagok ang kam­panya ng billiards team sa 16th Asian Games nang matalo sa unang laban si Roberto Gomez sa 8-ball singles.

Si Gomez na noong 2007 ay pumangalawa sa World Pool Championship na pinaglabanan sa 9-ball, ay hiniya ng Indian cue-artist na si Sumit Talwar sa kanilang race- to-seven second round preliminary match, 7-5 sa Asian Games Town Gymnasium sa Guangzhou, China.

Bye si Gomez sa first round habang si Talwar ay kinailangan munang talunin si Mazen Berjaoui ng Lebanon sa isa ring 7-5 iskor.

Dahil sa pangyayari, naiwan na lamang si Efren “Bata” Reyes bilang pambato ng bansa sa nasabing event na dinomina ng Pilipinas sa 2006 Doha Asian Games.

Si Antonio Gabica ang kumuha ng ginto sa nasabing event at tinalo niya ang kababayang si Jeff De Luna.

Bye din si Reyes sa first round at ang kanyang unang laro ay laban din sa isang Indian player na si Alok Kumar na unang tinalo si Bahauddin Faqiri ng Afghanistan, 7-1.

Namaalam na rin si Reynaldo Grandea sa English billiards nang lasapin nito ang 3-1 kabiguan sa kamay ni Praprut Chaithanasakun ng Thailand.

Parehong bye ang dalawang manlalaro sa first round pero mas nakuha ni Praprut ang kanyang laro para makaabante pa sa quarterfinals.

Ang iba pang pambato ng bansa na lumalaban pa ay ang women’s 6-red snooker team

Sa huling tatlong edisyon ng Asian Games ay nakakapaghatid ng ginto ang billiards delegation.

Bago si Gabica ay naunang nanalo ng ginto ang tambalang Romeo “Snooky” Villanueva at Gandy Valle at Francisco Bustamante at Antonio Lining sa 1998 Bangkok at 2002 Busan Asian Games sa larangan ng 9-ball doubles.

Show comments