MANILA, Philippines - Masusukat ang husay ng Batangas Bulls sa pagbanga nito sa Cebu sa pagpapatuloy ng Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VII ngayon sa Felino Marcelino Memorial Field sa Taguig City.
Ang Bulls at Dolphins ay magtatagisan dakong ala-1 ng hapon matapos ang bakbakan sa pagitan ng nagdedepensang Manila at Alabang.
Kung mananalo ang Bulls at Sharks ay mapapanatili nila ang pagsasalo sa liderato sa anim na koponang liga na inorganisa ng Community Sports Inc. (CSI).
Tinalo ng Bulls ang Alabang, 12-2, pero tiyak na dadaan sila sa butas ng karayom sa Dolphins na bumawi sa 4-5 kabiguan sa Manila sa pamamagitan ng 10-5 panalo sa Taguig.
Kampeon ng Series III at V, ang Bulls ngayon ay nagpaparada ng ma batang manlalaro at ang mga beterano na lamang ay sina dating homerun king Virgilio Roxas bukod pa sa dalawang pitchers na sina Romeo Jasmin at Vladimir Eguia.
“Mas pinili namin ngayon na kumuha ng mga bata pero naririyan pa naman sa amin ang dalawang mahuhusay na pitchers ng liga na sina Eguia at Jasmin. Mas may bilis na ang team at naniniwala akong palaban pa rin kami sa line-up na ito,” wika ni team manager Randy Dizer.
Masusukat ang katatagan ng Bulls sa Dolphins na binubuo ng mga beteranong manlalaro na nakatulong sa pagkapanalo ng koponan sa Series II at IV.
Angat naman ang Sharks sa Tigers kung lalim ng manlalaro ang pag-uusapan dahil ang nagdedepensang kampeon ay may walong national players.
Ngunit hindi sila dapat magpabaya lalo nga’t ang Tigers ay naghahangad na makuha ang unang panalo sa ikalawang laro sa torneo.