MANILA, Philippines - Pitong duathletes mula sa Japan ang maagang nagpatala para sa gaganaping ITU Subic Bay Duathlon Open na ilalarga sa Nobyembre 20 at 21 sa Subic Bay Event and Convention Center.
Ang mga nagpatala na para sa kompetisyong inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) at suportado ng International Triathlon Union (ITU) ay sina Masaaki Kurihara, Takashi Nakata, Sigeki Yoshida at Kei Yoneda sa kalalakihan at Airi Sawada, Ami Haishima at Nanas Kawashima sa kababaihan.
Si Sawada ang siyang nagdomina sa kababaihan sa idinaos na Asian Duathlon Championships noong nakaraang taon na ginawa rin sa Subic.
Mamumuno naman sa Pambansang kalahok ang number one sa kababaihan na si Monica Torres na hangad na mahigitan ang ikalawang puwesto na naabot sa ADC.
Wala naman si Neil Catiil, pumangalawa sa kalalakihan sa nagdaang taong Asian championships, dahil kasali ito sa Asian Games sa Guangzhou China sa larangan ng triathlon.
Dahil dito, sina August Benedicto, Robeno Javier at Jose Carlo Pedregosa ang siyang mga sasandalan sa kalalakihan ng host country.