MANILA, Philippines - Nang tumambad kay Rain or Shine guard Sol Mercado ang pagkakataong makaharap ang ilan sa magagaling na PBA players, hindi niya ito sinayang.
Kumolekta ang fifth pick overall sa 2008 Draft ng personal conference-high 26 points, kasama rito ang 6-for-12 shooting sa three-point area, 8 assists, 4 rebounds at 1 steal sa 110-107 come-from-behind win ng Elasto Painters sa San Miguel Beermen noong Linggo sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup.
Kaya naman siya ang naging unanimous choice para sa Accel-PBA Press Corps Player of the Week award.
“What a great game to play in!” sabi ng 26-anyos na si Mercado. “San Miguel is such a talented team and I believe the best team in the league, so definitely a huge win for us. It’s always fun playing against them, especially for me, because I’m such a competitor that I love the challenge of taking them down.”
Ibinahagi rin ng tinaguriang “Sol Train” ang kredito sa kanyang mga kakampi sa Rain or Shine.
“We seemed really focused before the game so I felt pretty confident in our guys. Gabe (Norwood), Doug (Kramer) and Larry (Rodriguez) stepped up big for us with key rebounds and crucial free throws,” wika ng Fil-Puerto Rican guard.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nakamit ni Mercado ang naturang weekly honors matapos pagbidahan ang 98-86 win laban sa Barako Bull dalawang linggo na ang nakararaan.
Sa naturang tagumpay ng Asian Coatings franchise nina Terry Que at Raymund Yu, tumipa si Mercado ng 21 points, 4 rebounds, 3 assists at 1 steal.
Nakatakdang tulungan nina Mercado, Kelly Williams ng Talk ‘N text at Asi Taulava ng Meralco ang Smart Gilas team para sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre 12-27.