RP boxers 'di natitinag sa paglahok ng Thais sa Asiad

MANILA, Philippines - Hindi natitinag ang Pam­bansang koponan sa boxing sa tsansa nilang manalo ng ginto sa Asian Games kahit naroroon pa ang mortal na kalaban sa Southeast Asia na Thailand.

Ang dating napaulat na pagkawala ng Thai boxers dala ng suspensyon na ipi­nataw ng international bo­xing body (AIBA) ay hindi nangyari dahil nakakuha ng positibong pagtugon ang Court of Arbitration for Sports (CAS) na siyang nilapitan ng pamunuan ng Amateur Boxing Association of Thailand.

Ang ABAT ay naniniwalang kaya nilang sumungkit ng hindi bababa ng dalawang gintong medalya sa 11 boksingero na ipadadala na kinabibilanganan ng walong kalalakihan at tatlong kababaihan.

Mas mataas ang tina­pos ng Pilipinas kung pag-ani ng ginto ang pag-uusapan sa 2006 Asian Games dahil may dalawa ang bansa laban sa isa lamang ng Thais.

Pero ang dalawang bok­­singero na kumuha ng ginto sa Doha na sina Violito Payla at Joan Tipon ay wala na sa koponan.

Sina Victorio at Rey Sa­ludar kasama ang mga veteran internationalist na sina Charly Suarez, Delfin Boholst at Wilfredo Lopez bukod pa kay Annie Albania ang maghahangad ng karangalan sa bansa.

Pinapaigting ang pag­ha­hangad ng medalya sa anim na boksingero ng bansa ang ibibigay na in­sentibo mula sa chairman ng ABAP na si Manuel V. Pangilinan na P3M sa ginto, P1 milyon sa pilak at P500,000 sa bronze me­dals.

Show comments