HOLLYWOOD--Ang malaking entourage ay nangangailangan ng mas malaking eroplano.
Humiling si Manny Pacquiao ng isang Boeing 757 na magdadala sa kanya at sa 187 iba pa, kasama ang kanyang mga team members, government officials, pamilya at mga kaibigan mula sa Los Angeles patungong Dallas.
Aalis ang Team Pacquiao sa LA ng alas-4 nga-yong hapon (Martes, alas 7 ng umaga sa Manila).
Tatlong oras ang magiging biyahe ng delegasyon ng Team Pacquiao papunta sa Love Field sa Dallas kasunod ang pagdiretso sa Gaylord Texan Hotel, ang official hotel ng laban.
Nagplano na si Pacquiao na sumakay sa isang 12-seater private plane patungong Dallas ngunit nagbago ang isip.
Ang biglaang pagbabago ng desisyon ni Pacquiao ay lumikha ng kaguluhan sa hanay ng mga booking agents at iba pang gustong makasama sa biyahe na nagkakahalaga ng $100,000.
Ang Star Flight, sa ilalim ni Rob Lyons na siyang sumagot sa travel needs ng LA Lakers, Boston Celtics, Chicago Bulls at Denver Nuggets, ang siyang napili ni Pacquiao.
Ito rin ang airline company na nagdala kay Pacquiao at sa 139 iba pa mula sa Dallas para sa kanyang laban kay Joshua Clottey noong Marso at nagserbisyo rin sa 1992 US Dream Team papunta sa Barcelona Olympics sa Spain.
Sinabi ni Pacquiao na halos 50 congressmen ang manonood sa kanyang laban sa Cowboys Stadium.
Ang asawa ni Pacquiao na si Jinkee at ang kanyang inang si Aling Dionisia ay makakasama niya sa biyahe katulad nina trainers Freddie Roach at Alex Ariza.
Ang Boeing 757, maaaring maglaman ng 186 hanggang 279 katao, ay ginagamit ng Vice President ng United States at kilala bilang “Air Force Two”.