Patrombon sa semis na

MANILA, Philippines - Kinalos ni Jeson Pa­trom­bon si Jae Hwan Kim ng Korean, 6-4, 7-6(3), upang marating ang semifi­nals sa idinadaos na Seogwipo Asia-Oceania Closed Championships sa Jeju-do, Korea.

Ginamitan ng bilis ni Pa­trombon ang solidong si Kim para mangibabaw sa larong umabot sa tatlong oras para maitakda ang pakikipagkita ng 17-anyos, second seed sa tor­neo kay Ben Wagland ng Australia.

Nanaig si Wagland kay 10th seed Wishaya Trong­charoenchaikul ng Thailand sa isang laro sa quarterfinals.

“Physically and mentally conditioned si Jeson sa larong ito at kahit na alam niyang mahirap na kalaban si Kim ay handa siyang sa­bayan ito,” wika ni coach Manny Tecson.

Sa singles na lamang kumakampanya si Patrom­bon dahil natalo sila ng kasamang si Jarin Grinter kina Zhaoyi Cao at Liu Xing Bang ng China, 4-6, 4-6.

Anuman ang mangyari sa laban ni Patrombon at Wagland, naniniwala naman si Tecson na aangat pa sa ITF ranking ang tubong Iligan City netter mula sa kasalukuyang kinalalagyan na 34th place sa ITF. 

Show comments