MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang paglalaro ni Jeson Patrombon upang makapasok na sa quarterfinals sa boys’ singles at doubles sa idinadaos na Seogwipo Asia-Oceania Closed Championships sa Jeju-do, South Korea.
Hindi nawala ang focus sa mahigpitang laro nina Patrombon at Chuang Ting-yu ng Chinese Taipei sa pamamagitan ng 6-3, 6-0.
Matapos ang 3-3 iskor sa unang anim na laro sa first set ay nakuha ni Patrombon ang mahalagang break sa seventh game na umabot sa 12 deuces para tuluyang makuha ang momentum.
Hindi na pinakawalan pa ng 17-anyos na si Patrombon ang momentum sa second set para mapatalsik na si Chuang na narating ang round of 16 nang talunin si Jordan Thompson ng Australia.
Hinirang bilang second seeds sa torneo, sunod na makakaharap ni Patrombon ang 11th seed na Koreanong si Kim Jae Hwanna nanalo sa kababayang wild card Kim Ho Gat, 6-2, 6-1.
Patuloy din ang magandang tambalan nina Patrombon at Jarin Grinter ng New Zealand nang kunin ng third seeds ang Kim Ho Gak at Kim Yun ng Korea, 6-3, 6-2.
Ang hangaring puwesto sa semifinals ay nakataya kina Patrombon at Grinter sa laban nila sa mga unseeded Chinese netters Zhaoyi Cao at Liu Xing Bang na sinibak ang sixth seeds na sina Hong Chung at Joo Ho Maeng ng Korea, 6-7(3), 6-4, (10-3).
Ang magandang kampanya ni Patrombon ay hindi naman nagawa ni Anna Charice Patrimonio nang siya at ang kaparehang si Ai Wen Zhu ng China ay namaalam na sa girls doubles sa second seeds Miho Kowase at Risa Ozaki ng Japan, 6-3, 6-0.