MANILA, Philippines - Kinailangan ng Philippine Patriots na kakitaan ng gilas sa huling mga tagpo ng laro nila ng Satria Muda BritAma ng Indonesia bago naitakas ang 75-69 panalo sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season 2 nitong Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Halos nagkukumahog ang nagdedepensang kampeon sa kabuuan ng labanan at nakalayo pa ang Indonesian team sa 63-57, nang tila nagising ang alab ng paglalaro ng Patriots.
Nagtulung-tulong sina Egay Billones, Donald Little at Benedict Fernandez sa pinakawalang 18 puntos ng host team habang ang depensa nila ay sumentro sa naunang mainit na si Marcus Morrison upang magkaroon na lamang ng apat na puntos ang bisitang koponan sa huling 6:53 ng labanan.
“Very inconsistent ang depensa namin. Four minutes ay maganda ang depensa pero sa susunod na four minutes ay wala kaming depensa. Akala nila ay madadaan namin ang panalo sa shootout,” wika ni coach Louie Alas.
Ang 6’10 na si Little na naglaro sa ikatlong pagkakataon ng mag-isa dahil sumakit uli ang kanang binti ni Anthony Johnson dala ng hamstring injury, ang tumayong puwersa nang humablot ito ng pinakamataas niyang 25 rebounds bukod pa sa 11 puntos at 2 blocks.
Anim na puntos nga ang ibinagsak ni Little matapos ang anim na puntos na kalamangan ng Satria Muda habang si Billones ay umako ng walo kasama ang apat na free throws sa huling mga segundo upang matiyak ng Patriorts ang ikalimang sunod na panalo.
Samantala, nakuha naman ng Westports KL Dragons ang ikalawang sunod na tagumpay matapos ang limang laro nang kapitalisahin nila ang pagkakaroon ng eye infections ng karamihan sa Brunei Barracudas tungo sa 87-48 tagumpay na nilaro naman sa MABA Gym sa Malaysia.