MANILA, Philippines - Pagkakaroon ng 12 manlalaro na maaasahan sa bawat labanan ang binanggit ni coach Haydee Ong na isa sa kanyang naging bentahe sa nakalaban upang mapagtagumpayan ang pagkapanalo sa 7th SEABA Women Championship na nagtapos nitong Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium.
“Wala naman akong itinatago mula sa simula hanggang natapos ang tournament. Kasi itong 12 players na nasa team ko ay talagang ginagamit ko wala akong nasa bench lang,” paliwanag ni Ong.
Ang 12 manlalaro ay nagsanay ng 10 buwan pero ang karamihan sa kanila ay magkakasama na sapul pa noong 2007 nang matalo ang Pilipinas sa Thailand para sa 6th SEABA title na isinagawa sa Phuket, Thailand.
Ang mga beterano nga ng torneong ginagawa tatlong taon na ang nakalipas ay sina Merenciana Arayi, Joan Grajales, Diana Jose, Chovi Borja at Aurora Adriano.
Sina Cassey Tioseco at Melissa Jacob ay kasama rin sa 2007 team na hawak pa ng dating coach na si Fritz Gaston pero umalis sila sa koponan. Si Tioseco ay nagtungo sa Canada para magtrabaho habang si Jacob ay bumalik sa US.
Ngunit ang pagkakaalam sa sistemang ginagamit ng koponan ay nakatulong upang kahit nahuli sila ng dating ay hindi sila naghabol sa pagsasanay.
Ang depensa ang isa sa pangunahing arsenal ng koponan pero hindi maitatatwa na ang husay sa pagbuslo lalo na sa tres ang siyang pumatay sa Thailand na dalawang beses nilang inilampaso tungo sa 5-0 sweep sa torneo.
Gumawa ng tig-11 tres ang pambansang koponan sa dalawang laro nila ng Thais na tuluyang naisuko ang titulo sa pamamagitan ng 54-76 pagyuko nitong Biyernes.
Hindi naman kontento si Ong at ang kanyang koponan sa pagkakasungkit sa makasaysayang panalo dahil sa 2011 ay may mas malaking misyon ang koponan.
Lalahok sila sa FIBA Asia Women Championship sa Japan sa Agosto at tatlong buwan matapos nito ay sasalang naman sa Southeast Asian Games na itataguyod ng Indonesia sa Nobyembre.