MANILA, Philippines – Sumandig ang defending champion Wang’s Ballclub kina dating PBA player Biboy Simon at American missionary Joshua Manthe upang maitakas ang makapigil-hiningang 81-78 panalo laban sa mahigpit na nakipaglabang Star Group of Publications, habang ginapi naman ng Royale Business Club ang Manuel Luis Quezon University, 94-78 sa 2010 MBL Invitational basketball championship sa Lyceum gym nitong Martes ng gabi.
Nagtulong sina Simon, lumaro sa Air21 sa PBA at Manthe sa 5-of-6 mula sa freethrow line sa final 28 segundo ng labanan upang trangkuhan ang Wangs sa makapigil-hiningang come-from-behind na panalo laban sa Starmen sa nine-team, single-round tournament na suportado ng Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Courier Services.
Nagkaroon ng tsansa ang Star Group na madala sa overtime ang laro, ngunit sumablay ang desperadong three-point shot ni Dennis Rodriguez sa mid-court kasabay ng pagkaubos ng oras.
Ang panalo ay sapat na para sa Mandaluyong-based team na makatabla para sa isa sa dalawang awtomatikong semis berths taglay ang 5-2 karta.
Tumapos si Simon ng 15 puntos.
Bumandera naman sa Starmen si Lester Reyes na tumapyas ng 21 puntos kabilang ang mahirap na undergoal stab na siyang nagtabla ng score sa unang pagkakataon sa 96-all. Gayunpaman, nabigo si Reyes na makumpleto ang kanyang three-point play na siya sanang nagbigay sa Star ng isang puntos na abante may 31 segundo ang nalalabi sa tikada.
Nagposte si Rodriguez ng 20 puntos para sa Star Group na minamanduhan nina coach Rene Recto at manager Mike Maneze.
Nag-ambag rin sina Gio Coquilla at Art Dimas ng tig-9 puntos, habang ang kamador na si Jong Bondoc at Cris Corbin ay nagposte lamang ng tig-4 puntos para sa Starmen na nahulog sa 4-3 panalo-talo karta.
Samantala, humugot naman ng lakas ang Royale BC mula kina Toto Bandaying, Leemore Boliver, Earl Saguindel at Fliyd Dedicatoria upang ilista ang kanilang panalo.