MANILA, Philippines - Makikilatis ang tunay na lakas ng Chang Thailand Slammers sa pagharap nila sa nagdedepensang Philippine Patriots sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season 2 ngayon sa Nimibutr National Stadium sa Bangkok.
Ang laro ay itinakda ganap na alas-8 ng gabi at ang mananalo ay magsosolo sa liderato sa anim na koponang liga.
Kapwa may 3-0 karta ang Slammers at Patriots papasok sa larong ito at nais pa ng home team na makuha ang ikatlong sunod na panalo sa kanilang home court.
Sinasabing kontender ang koponang ito dahil nakuha nila ang Best Import ng Season I na si Jason Dixon na naglaro sa Patriots at naihatid sa kampeonato.
May 15.7 points at 11 rebounds ang 6’10” center matapos ang tatlong laro habang ang isa pang import na si Chris Daniel Kuete ang siyang nangunguna sa iskoring sa liga sa 25.3 puntos, 6 rebounds at 2.7 assists.
Nasa koponan na rin ang dating guard ng Patriots na si Froilan Baguion na naghahatid ng 3.5 assists bukod pa sa 3 puntos at 2 rebounds sa dalawang laro.
Tiyak namang mapapalaban sila sa Patriots na kakikitaan din ng pagbabalik ni Anthony Johnson matapos lumiban sa huling dalawang naipanalong laro sa Singapore Slingers at Brunei Barracudas.
Tumipak ng 24 puntos at 12 boards si Johnson nang kunin ng team na pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco, ang 71-62 unang panalo sa Barracudas. Pero minalas na nagkaroon ng right hamstring injury ang 6’6 import sa huling yugto.