MANILA, Philippines - Tiwala si Saved by the Bell Promotions president Elmer Anuran na hindi madedehado si WBA International superflyweight title holder Drian ‘‘Gintong Kamao’’ Francisco sa kanyang nalalapit na laban kontra Thai fighter Duangpetch Kokietgym sa Nobyembre sa Thailand.
Pag-aawayan nina Francisco (19-0-1, 14 KOs) at Duangpetch (52-0-1,21 KOs) ang WBA interim title na dating hawak ni Nonito ‘‘Flash’’ Donaire.
‘‘Todo paghahanda ang Team Francisco at todo-bantay rin tayo pagdating sa Thailand sapagkat napakahalaga ng laban ito,’’ sabi ni Anuran kahapon sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue, Maynila.
Humingi ng paumanhin si Francisco sa forum dahil sa hindi pagdalo ni Drian dahil sa masamang panahon.
Nagsasanay si Francisco ng Sablayan, Occidental Mindoro sa Batangas sa Touch Gloves Boxing Gym.
Aminado si Anuran na mahirap kalaban si Duangpetch na tinalo ang walong Pinoy boxers na kanyang nakasagupa.
‘‘Maaaring lamang sa karanasan si Duangpetch, ngunit sa taktika at lakas ay may kalalagyan siya sa ating boksingero,’’ diin ni Anuran.
Samantala, nais sundan ni Francisco ang mga yapak nina pound-for-pound king Manny Pacquiao at dating two-time world title holder Luisito Espinosa na kinuha ang mga pandaigdigang titulo sa Thailand.
‘‘Nais kong sundan ang mga yapak nina Manny at Luisito,” sabi ni Francisco.
Tinutukoy ni Francisco ang tagumpay ni Espinosa kontra Khaokor Galaxy para sa WBA bantamweight title noong 1989 at ang tagumpay ni Pacquiao laban kay Chatsai Sasakul para WBC flyweight noong 1998.