MANILA, Philippines - Haharapin ng newly-crowned Inter-Scholastics Athletic Association (ISAA) champion Lyceum of the Philippines ang EJM Pawnshop, habang pag-aagawan naman ng Star Group of Publications at Royale Business Club ang krusyal na panalo ngayong gabi ng 2010 MBL Invitational basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.
Tangka ng Lyceum, kasalukuyang katabla sa ikatlo hanggang ikaapat na puwesto ang CUSA titlist Manuel Luis Quezon University sa 3-1 win-loss-slate, ang ikaapat na sunod na panalo sa pakikipagtipan sa EJM Pawnshop sa main game, alas-8:30 ng gabi.
Sa kabilang dako, babasagin naman ng Star Group at Royale BC ang kanilang tanikala sa pagtabla sa 3-2 kartada sa alas-7 ng gabing sagupaan sa nine-team tournament na ito na hatid ng Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Managerial Services.
Muling babanderahan nina Dennis Rodriguez, Jong Bondoc, Ver Roque, Gio Coquilla, Lester Reyes, at Cris Corbin ang Newspapermen na ginagabayannina coach Rene Recto at manager Mike Maneze.
Bukod sa mga nabanggit, inaasahang kakamada rin sa opensa sina Wyanne Tabang at Bong Martinez, Gerald Ortega upang tapatan ang inaasahang matinding labang ibibigay ng Royale BC na aasang muli kina Leemore Boliver, Toto Bandaying, Floyd Dedicatoria at Jaymo Equillos.
Bagamat batid ni Recto na pader ang kanilang babanggain, hindi ito nababahala at siguradong masasabayan niya ang game plan ng kalaban sa pagpapaikot ng depensa.