MANILA, Philippines - Makasalo sa liderato ang nais na gawin ngayon ng Alaska habang makabangon matapos matalo sa unang laban ang sisipatin ng nagdedepensang B-Meg Derby Ace sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup ngayon sa Cuneta Astrodome.
Ang Aces at Llamados ay magtutuos sa tampok na laro dakong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan sa pagitan ng Air21 at Rain Or Shine sa ganap na alas-5 ng hapon.
Unahan sa pagsikwat ng panalo ang magaganap sa hanay ng Express at Elasto Painters matapos durugin ang mga ito ng mga nakalaban sa unang asignatura.
Pinaluhod ng San Miguel Beer ang Air21, 100-86, habang isang 111-103 kabiguan naman ang tinamo ng Rain or Shine sa kamay ng Powerade.
“Isa sila sa mga malalaking koponan kaya’t kailangang magdoble ang effort namin sa rebounding at depensa,” wika ni Rain or Shine coach Caloy Garcia.
Isa sa babantayan ng Elasto Painters ay ang 6’6” rookie Rabeh Al-Hussaini na gumawa ng 16 puntos, 11 rebounds at isang assist sa kanyang debut sa liga.
Hindi pa naman tiyak kung makakalaro na ang top pick sa rookie draft na si Nonoy Baclao na may hyperextensive knee injury na nangyari sa isang practice.
Sundan naman ang 88-64 pagdodomina sa Barako Bulls noong Biyernes ang asam ng Aces sa pagharap sa Llamados na sa finals ng conference na ito noong 2009 ay humirit ng 4-0 tagumpay sa tropa ni coach Tim Cone.
“We wanted to focus on the idea on how well we were playing regardless of who we are playing against. We wanted to be always playing our best no matter what,” wika ni Cone.
Sina Joe DeVance, Cyrus Baguio, LA Tenorio at Sonny Thoss ang inaasahang mangunguna sa Aces matapos ibandera ang koponan sa panalo sa Barako.