MANILA, Philippines - Inanunsyo ni ABS-CBN Foundation managing director Gina Lopez kahapon (11 Oct) na 116,086 ang lumahok sa 10.10.10 A Run for Pasig River, higit sa world record na 110,000 ng “Bay to Breakers” race sa San Francisco, California noong 1988.
Ayon kay Lopez, muling ipinakita ng mga Pilipino na kaya nating magkaisa para sa isang mabuting layunin sa pamamagitan ng fun run na inorganisa ng “Kapit Bisig Para Sa Ilog Pasig.”
“We did it! We succeeded because everyone--rich and poor, young and old--worked together. It didn’t even rain because people prayed,” wika ni Lopez.
Ibinalita ni Lopez na pinatunayan ng independent evaluator na SGV ang opisyal na bilang ng mga mananakbo. Kasama ang report na isinumite ng SGV, inihahanda na rin ng KBPIP ang iba pang dokumentong hinihingi ng Guinness upang gawing opisyal ang record.
Ani Lopez, maaaring maglabas ang Guinness ng pahayag ukol sa record ng 10.10.10 A Run for Pasig River sa loob ng dalawang linggo.
Dahil sa tagumpay ng Pasig River Run, gagawin ng taunan ang naturang proyekto hanggang sa malinis ang ilog.
Gagamitin naman ng KBPIP ang nalikom na P12 milyon sa 10.10.10 A Run for Pasig River upang simulan ang paglilinis sa mga estero sa likod ng Malacañang Palace dahil tumutuloy ang maruming tubig dito sa Ilog Pasig.