MANILA, Philippines - Nalagpasan ng Lyceum of the Philippines ang ilang beses na pagresbak ng Star Group of Publications para ilista ang 99-94 panalo sa 2010 MBL Invitational (Second Conference) basketball championship kamakalawa ng gabi sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.
Nagtuwang sina Mark Fampulme at Allen Difuntorum mula sa pinagsama nilang 34 points para sa Bonnie Tan-mentored Pirates.
Pinangunahan ni Jong Bondoc ang Starmen nina coach Rene Recto at manager Mike Maneze mula sa kanyang 26 points kasunod ang 19 ni Dennis Rodriguez at 16 ni Lester Reyes .
May 2-2 rekord ngayon ang Star Group sa ilalim ng Hobe Bihon (2-0), Lyceum (2-1), Wang’s Ballclub (2-1), Manuel L. Quezon University (2-1) kasunod ang Royale BC (1-1), EJM Pawnshop (1-2), Rizal Technological University (0-1) at Philippine Air Force (0-3).
Samantala, tinalo naman ng Hobe Bihon ang Wang’s Ballclub, 81-79, mula sa pagbibida ni dating PSBA standout Ronnie Zagala.
Isinalpak ni Zagala ang isang krusyal na short jumper sa huling 4.0 segundo ng laro para sa tropa ni coach Junnel Mendiola.
Binura ng Hobe ang 79-73 abante ng Wangs’ Ballclub sa huling 46 segundo mula sa kanilang 8-0 atake sa naturang nine-team tournament na suportado ng Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Managerial Services.
Tumalbog naman ang desperadong three-point attempt ni dating PBA cager Biboy Simon sa pagtunog ng final buzzer para sa Wang’s Ballclub.
Lyceum 99 -- Fampulme 18, Difuntorum 17, Abaya 14, Rimando 14, Guevarra 14, Ong 6, Lacap 6, Santos 5, Cayabyab 3, Ko 2, Florez 0.
Star Group 94 -- Bondoc 26, Rodriguez 19, Reyes 16, Roque 10, Coquilla 9, Ortega 6, Dimas 4, Geocada 2, Corbin 2, Reducto 0, Martinez 0.
Quarterscores: 22-24, 45-48, 76-69, 99-94.