KHANTY-Mansiysk, Russia - Bago pa man ang 11th at final round ng 39th World Chess Olympiad, dalawang bagong Grand Masters na ang naidagdag sa Pilipinas.
Ang mga ito ay sina Rogelio Barcenilla, Jr. at Roland Salvador.
Si Barcenilla, nakabase ngayon sa Arizona, Texas kasama ang kanyang pamilya, at si Salvador, naninirahan sa Italy, ay opisyal na binigyan ng GM titles sa 81st FIDE Congress na idinaos sa Complex Arena Ugra.
“We’re happy to have our two new GMs. They really deserved the title,” wika ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Prospero “Butch” Pichay.
Nakatakdang sagupain ng RP team ang No. 48 seed Estonia na magdedetermina sa final rankings.
Makakatapat ni GM Wesley So sa top board si GM Kaido Kulaots (ELO 2592), habang makakalaban ni GM John Paul Gomez si GM Meelis Kanep (ELO 2532) at makakasabayan ni GM Darwin Laylo si IM Olav Sepp (ELO 2485) at makakatagpo ni IM Richard Bitoon si IM Aleksandr Volodin (ELO 2433).
Nagpahinga naman si GM Eugene Torre, naglaro sa kanyang record 20th Olympiad sa 40 taon simula noong 1970 hanggang 2010, na may 4.5 points galing sa kanyang tatlong panalo, tatlong draws at isang talo.
Tumabla ang mga Filipinos sa 31st hanggang 44th places.
Ang iba pang Filipino GMS bukod kina Barcenilla at Salvador ay sina Torre, So, Laylo, Gomez, ang namayapang si Rosendo Balinas, Rogelio Antonio, Jr., Bong Villamayor, Nelson Mariano, Mark Paragua, Jayson Gonzales at Joseph Sanchez.