MANILA, Philippines - Tumumbok ang two-time National Open champion na si Lee Vann Corteza ng back-to-back na panalo upang makapasok sa semifinal round ng Sangsom Pattaya 9-ball Invitational Pool Competition sa Royal Garden Plaza sa Pattaya, Thailand, nitong weekend.
Ginapi ng 31-anyos na si Corteza ang kalabang si Nitiwat Kanjanasri ng Thailand, 9-4, sa Last 16, bago naungusan si Fu Chi Wei ng Chinese Taipei, 9-7 sa quarterfinals na nagdala sa kanya sa semis.
Susunod niyang labanan si Liu Hui Chang ng Chinese-Taipei para sa isang puwesto na malaki ang posibilidad na maging all-Filipino finals.
Tinalo ni Liu ang Pinoy pool legend na si Efren ‘Bata’ Reyes, 9-3 sa quarters.
Sa kabilang dako, kapwa ginapi nina Dennis Orcollo at Ronato Alcano ang kani-kanilang kalaban upang isaayos ang kanilang paghaharap sa isa pang semis match.
Sinibak ni Orcollo si Chris Melling ng England, 9-5 at si Liu Chien Chieh ng Chinese Taipei, 9-6, habang pinigil ni Alcano si Lee Chenman ng Hong Kong, 9-4 at hiniya si Stevie Moore ng US, 9-8.
Nauna rito, ginapi ni Corteza si Kevin Fortt ng Great Britain, 9-1 sa Last 32, pinataob ni Orcollo si Ophas Suwannarat ng Thailand, 9-3, namayani si Alcano kay Somkuan Tianpongkrang ng host country, 9-5 at niyanig ni Reyes ang Thailander na si Sompol Saetang, 9-1.