BAGUIO CITY, Philippines - Maghihigpit na si trainer Freddie Roach sa kanyang two-week-old training camp.
“I’m going to change things a little bit,” ani kahapon ni Roach na nagsabing ipapasara niya ang Shape Up Gym sa pagpapatuloy ng ensayo ni Manny Pacquiao ngayon bilang paghahanda kay Mexican Antonio Margarito.
Nairita si Roach noong Sabado nang ang kanyang planong closed-door sparring session ay naging isang mini public workout dahil sa pagpasok ng mga basketball fans.
Sa sparring nina Pacquiao at Mexican Michael Medina, nabaling ang atensyon ni Roach sa mga nagpapasukang mga fans.
Nang simulan ni Pacquiao ang kanyang sparring kay Dominican Glen Tapia noong Huwebes, ilang fans lamang ang nakapasok sa gym, habang hindi naman pinayagang makasilip ang ilang miyembro ng Team Pacquiao sa nasabing two-hour session.
“I think there were just three of us inside,” wika ni Mike Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao.
Ito rin ang gustong mangyari ni Roach sa paghataw ng sparring ni Pacquiao tuwing Martes, Huwebes at Linggo patungo sa krusyal na bahagi ng kanilang paghahanda laban kay Margarito sa Nobyembre 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Sinabi pa ni Roach na hihigpitan niya ang HBO crew na kukuha ng clips ni “Pacman” para sa “24/7” series.
“No videos of the mitts and sparring,” wika ni Roach.
Sinabi pa ni Roach na papayagan niya ang HBO crew na kumuha ng footage hanggang gusto nito habang naglalaro si Pacquiao ng basketball o darts, namamasyal o kumakanta sa karaoke sa kanyang Cooyeesan Hotel suite.
Ngunit hindi habang nasa sparring at sumusuntok sa mitts si Pacquiao, ayon kay Roach.
“When 24/7 comes in we’ll be hushed up a little bit. We need to cook up some surprises for Margarito,” wika ni Roach.
Bibigyan naman ni Roach ang mga fans ng pagkakataong makalapit kay Pacquiao tuwing Sabado pagkatapos ng sparring.