MANILA, Philippines - Simulan ang pagdepensa ng titulo sa pamamagitan ng panalo ang pakay ng Philippine Patriots sa pagbangga sa bisitang Brunei Barracudas sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season 2 ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang laro ay itinakda ganap na alas-4 ng hapon at nais ng Patriots na maipakita rin ang bagong lakas ng koponang binalasa sa season na ito nang mawala ang mga key players na naghatid ng kampeonato matapos talunin ang Satria Muda BritAma sa Finals sa Season 1.
Sina Nonoy Baclao, Elmer Espiritu at Val Acuna ay nasa PBA na habang ang mga imports na sina Jason Dixon at Gabe Freeman ay wala na rin at si Dixon nga ay maglalaro na sa Thailand Slammers.
Sina Finals MVP Warren Ybañez, Erwin Sta. Maria at JP Alcaraz ay nagbalik upang pamunuan ang koponang sasandal din sa mga imports na sina Anthony Johnson at Donald Little.
“Hindi kami puwedeng magkumpiyansa dahil ang ibang kasali ay tiyak na naghanda para biguin kami sa hangaring maidepensa pa ang titulo,” wika ni Dr. Mikee Romero na katuwang ang co-owner na si Tony Boy Cojuangco.
Si coach Louie Alas ang siyang hahawak pa rin sa koponan na iniinda ngayon ang di paglalaro ni 6’7” Fil-Am Alex Crisano dala ng injury.
Tiyak na aani ng puntos si Johnson na dating naglaro sa PBA pero kailangang magdomina ang 6’10 na si Little dahil ang Barracudas ay magpaparada ng dalawang 6’9 imports na sina Kenny Boyd at Chris Commons.