MANILA, Philippines - Kinumpleto ng Adamson ang pagdodomina sa FEU sa 73rd UAAP women’s basketball nang kunin ang 56-54 tagumpay tungo sa pagbulsa sa titulo sa pamamagitan ng 2-0 sweep kahapon sa Araneta Coliseum.
Nagbida para sa Lady Falcons sina MVP Analyn Almazan at Anna Buendia para maipagkaloob sa koponan ang ikalawang sunod na titulo at pang-anim sa kabuuan.
Dalawang 3-point play ang ginawa ni Almazan upang tulungan ang Adam-son na hawakan ang 54-46 kalamangan.
Nakapanakot pa ang Lady Tamaraws at nakadikit sa 52-54 sa tres ni Karen Columna may 26.9 sa laro.
Pero hindi nakahulagpos ang panalo sa Adamson dahil naipasok ni Buendia ang dalawang free throws sa foul ni Jocy Positos.
Huling taon na ito ng paglalaro ni Almazan at tinapos niya ang kanyang kampanya sa liga sa pamamagitan ng 18 puntos, 14 rebounds at 3 steals.
Ang ipinakita ay sapat na upang maibigay din kay Almazan ang Finals MVP matapos magtala ng averages na 13.5 puntos, 12 rebounds at 2.5 steals a game.
May 21 puntos at 6 rebounds naman si Buendia habang ang graduating ding si Katherine Sandel ay nagtapos na may walong puntos, 3 rebounds at 5 assists.
AdU 56--Buendia 21, Almazan 18, Sandel 8, Bernardo 4, Mangahas 3, Roque 2, Penaranda 0, Ortega 0.
FEU 54--Lim 18, Palmera 16, Columna 7, Supnet 5, Positos 4, Soriano 2, Borja 2, Tiu 0, Sicat 0, Astrero 0.
Quarterscores: 10-14, 26-24, 39-36, 56-54.