MANILA, Philippines - Sa labing dalawang koponang naglabu-labo sa mga unang bahagi ng season na ito, dalawa na lamang ang natitira para pag-agawan ang pinaka-aasam na titulo.
Sisimulan ngayon ng University of Manila at ng STI Colleges ang kanilang banggaan para sa kampeonato ng 10th season ng National Athletic Association of Colleges, Schools and Universities (NAASCU) sa Game One ng kanilang best-of-three series sa Makati Colisuem.
Dinurog ng league-leading Hawks ang Centro Escolar, 89-61 habang giniba naman ng Olympians ang Informatics International College, 82-48 sa dalawang pares ng laro sa semifinals na nagresulta sa kanilang pagbubuno sa titular showdown ng ligang inorganisa ni Dr. Jay Adalem ng host school St. Clare-College.
Sa pagmamando nina head coach Jojo Castillo, assistant coach Jinno Mansala at manager Atty. Ernesto De Los Santos, sasandig ang five-time champions na UM sa sophomore na si Jeff Alvin Viernes at sa kanilang mga prized rookies na sina Rhandelle Colina at Eugene Torres para sa kanilang pag-aasam na makuha ang titulo na huli nilang natikman noong 2005.
Sa tangka namang ikalawang titulo, sasandal naman ang Olympians ni head tactician Vic Ycasiano sa mga beteranong sina Norman Ihalas, Cedric Ablaza, Jerald Bautista, MacLean Sabellia at sa mga baguhang sina Hessed Gabo, Rama Morales at ang Cameroonian na si Henri Betayene.
Sa juniors naman, sisimulan na rin ng CEU at ng Our Lady of Fatima U ang kanilang Game One sa alas-10 ng umaga.