MANILA, Philippines - Hangad ng Manuel Luis Quezon University na masikwat ang ikatlong dikit na panalo, habang puntirya naman ng STAR Group of Publications na makabangon mula sa kanilang unang kabiguan sa dalawang pares na salpukang nakatakda ngayong gabi sa pagbabalik aksyon ng 2010 MBL Invitational basketball championship na lalaruin sa RTU gym sa Mandaluyong.
Gagabayan ni coach Sherman Crisostomo at manager Maria Victoria Chan, winalis ng Stallions ang dalawang unang laro laban sa Lyceum of the Philippines (73-72) at Star Group (80-78) para sa solong liderato, sasagupain ng MLQU ang nagdedepensang Wang’s Ball Club sa alas-8:30 ng gabi.
Inaasahang muling sasandigan ng Stallions ang balikat ni Jopher Custodio upang banderahan ang MLQU sa ikatlong dikit na panalo.
Lalaro ang Wang’s na hindi maasahan ang serbisyo ni Fil-Am Anthony Cuevas na pinatawan ng three-game suspension at P5,000 multa bunga ng hindi kagandahang asal na ipinakita sa kanilang huling laban kjontra sa Air Force.
Sa kabilang dako, papagitna ang tropa nina coach Rene Recto at manager Mike Meneze sa unang laro sa alas-7 ng gabi laban sa RTU.
Bagamat lalaro ang Starmens na kulang sa tao sa dahilang ang kanilang sentro na si Cris Corbin ay nagkaroon ng hamstring injury sa huling laro, inaasahang babalikatin nina Bong Martinez at Lester Reyes ang puwesto ni Corbin sa tulong na rin ng mga kamador na sina Dennis Rodriguez, Ver Roque, Jong Bondoc at Gio Coquilla upang ipatikim sa Blue Thunders ang lupit ng kanilang paghihiganti para muling maibalik ang kanilang winning form at mapalakas ang kampanya sa 2-buwang torneo na may ayuda mula sa Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Managerial Service.
Bukod sa mga nabanggit, aasahang kakayod rin sa opensa sina Gerald Ortega, Randel Reducto at Mario Geocada para supilin ang tangkang magandang debut ng Mandaluyong-based cagers.