Corteza, Lining pasok sa semis ng China Open

MANILA, Philippines - Umabante si Lee Vann "The Slayer" Corteza sa semifinal round nang talu­nin si Taiwanese Chang Jung-lin, 11-4, sa China 9-ball Open sa Minya Hotel sa Shanghai, China.

Makakaharap ni Corteza, ang world No. 2 billiards player, sa semis si Yu Long Zhang ng China na tumalo naman kay American Shane Van "The South Dakota Kid' Boening, 11-9.

Nauna nang tinalo ni Corteza si Yukio Akakariyama ng Japan, 11-6, sa round-of-32 at si Zhi Dong Lang ng China, 11-9, sa round-of-16.

Sa Group stage play, binigo ni Corteza si Wang Guobin ng Chinese-Taipei, 11-6, bago natalo kay Ko Pin-yi ng Chinese-Taipei, 3-11, para malagay sa lo­ser's brackets sa Group 2.

Pinayukod ni Corteza si Naoyuki Oi ng Japan, 11-5, sa ‘do-or-die’ match para makapasok sa knockout stage (round-of-32).

Samantala, nagtala naman ng magkahiwalay na panalo sina Antonio "Nickoy" Lining at Liu Hai Tao patungo sa kanilang se­mis showdown.

Iginupo ni Lining si Jeff De Luna, 11-3, habang gi­niba ni Liu si Efren “Bata” Reyes, 11-2.

Show comments