Sa pagkakapamigay ng Powerade Tigers (dating Coca-Cola) kay Paul Asi Taulava sa Meralco Bolts, paniguradong ang beteranong si Dennis Espino na ang magiging main man nila sa shaded area.
Bukod sa si Espino na ang pinaka-senior sa Tigers, aba’y siya ang may angking karanasan at “gulang” sa pakikipagbakbakan para sa rebounds.
Kumbaga’y magiging understudy muna niya si Rob Reyes na nakuha ng Tigers buhat sa Barako Coffee. Alangan namang mabigyan agad na mahabang playing time si Reyes gayung wala pa itong gaanong napapatunayan.
Magiging mabigat ang responsibilidad ni Espino sa season na ito sa pagkawala ni Taulava.
Kasi nga, noong nakaraang season, nang lumipat si Espino buhat sa Sta. Lucia Realty ay animo “relaxed” ang kanyang role sa kampo ng Tigers. Pamalit lang siya ni Taulava at paminsan-minsan lang sila nagsasabay.
Hindi na ito kasing bigat ng papel niya noong nasa Sta. Lucia pa kung saan halos lampas 30 minuto ang kanyang playing time kada laro. Sa Tigers, parang mga 20 minutes hanggang dalawang quarters na lang ang kanyang exposure. Kasi nga, si Taulava ang main big man ni coach Dolreich “Bo” Perasol.
Sa 36th season ng PBA na magsisimula sa Oktubre 3, muling hahaba ang playing time ni Espino at nangangamba ang ilan na baka hindi na niya ito kayanin. Kasi, hindi na naman bumabata si Espino na magdiriwang ng kanyang ika-37 kaarawan sa Disyembre 20.
Si Espino, na produkto ng University of Santo Tomas, ay nagsimulang maglaro sa PBA noong 1995 kung saan kinuha siya bilang No. 1 pick sa Draft ng Sta. Lucia. Akala nga ng karamihan ay sa Sta. Lucia na rin magtatapos ng kanyang career subalit sorpresang ipinamigay siya ng Realtors sa Tigers noong nakaraang season. Kung sabagay, kahit na hindi siya ipinamigay ng Sta. Lucia, tiyak na maglalaro siya sa ibang team dahil sa nag-disband na nga ang Realtors at ipinagbili ang prangkisa sa Meralco.
Oo’t may mapipiga pa kay Espino at pipilitin niyang pasanin ang bagong responsibilidad. Pero kahit paano’y madedehado siya sa duwelo kontra sa mga batang sentro ng liga. At sa totoo lang, dehado din ang Powerade dahil sa iilan lang ang kanilang big men o legitimate centers kumpara sa ibang teams na may tatlo hanggang limang sentro.
Eh, paiikutin lang sa rotation ng ibang teams ang mga big men nila’y tiyak na mas papagod na sina Espino at Reyes at sa bandang dulo ng laro’y halhal na ang dalawang ito.
Ibang klaseng physical conditioning ang kailangang gawin ni Espino mula ngayon.
Biglang-bigla’y hindi pala magiging madali ang mga huling seasons ni Espino sa pro league.
Ang maganda lang dito ay ang pangyayaring hindi umaatras sa laban si Espino.
Alam nating lahat iyan!