MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling ipinakita ni Jopher Custodio ang kanyang kabayanihan matapos na ilusot ang Manuel Luis Quezon University sa panalo.
Umiskor si Custodio ng put-back kasabay ng pagkaubos ng oras ang nagbitbit sa MLQU sa makapigil-hiningang 80-78 panalo laban sa Star Group of Publications sa MBL Invitational basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros nitong Martes ng gabi.
Isinagawa ni Custodio ang kanyang game-winning basket makaraang itabla ni Dennis Rodriguez ng Star Group sa huling pagkakataon ang iskor sa 78-all mula sa kanyang mahabang tres may 10 segundo na lamang ang nalalabi sa tikada.
At sa sumunod na play, naipasa ni Alvin Vitug ang bola kay Custodio na agad namang bumato ng winning shot may .4 segundo na lamang ang oras.
Ang panalo ay naglagay sa Sherman Crisostomo mentored Stallions sa solong liderato taglay ang 2-0 win-loss slate, habang natikman naman ng Starmen ang unang kabiguan sa likod ng 2 laro sa dalawang buwang torneong ito na may suporta mula sa Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Managerial Services.
Tumapos si Custodio ng game-high 19 puntos para sa Stallions.
Pinangunahan naman ni Rodriguez ang Star Group sa kanyang tinapos na 18 puntos na sinundan nina Ver Roque na may 17, Jong Bondoc na may 15 at Lester Reyes na may 10 puntos.
Nag-ambag rin si Gio Coquilla ng 8 puntos.
Sa ikalawang laro pinataob ng defending champion Wang’s Ballclub ang Philippine Air Force, 82-72.
MLQU 80--Vitug 20, Custodio 19, Urbano 12, Dizon 10, Manalansan 6, Parapa 4, Cryz 3, Lustestica 2, Sumayang 2, D.Uduba 2, Cruz 0.
Star 78--Rodriguez 18, Roque 17, Bondoc 15, Reyes 11, Coquilla 8, Ortega 5, Martinez 2, Bartolome 2, Corbin 0, Reducto 0, Geocada 0, Tabang 0.
Quarterscores: 23-21, 37-38, 58-61, 80-78.