MANILA, Philippines - Nagpasa na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng kanilang 12-manlalaro na ipadadala sa Asian Games sa Guangzhou China.
Pinangalanan ng SBP sina PBA cagers Paul Asi Taulava at Kelly Williams upang makasama sina Mark Barroca, Chris Tiu, Jayvie Casio, Dylan Ababou, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, Mac Baracael, Jason Ballesteros, Marcia Lassiter at Aldrech Ramos.
Ang mga pangalang ito ay mula sa 18 manlalaro na ipinadala ng SBP upang mabigyan ng akreditasyon ng POC para sa Guangzhou Games.
“Mayroon kaming accredited na 18 players sa pool at ang 12 pangalan na ito ay mula sa pool at ipadadala na namin sa Guangzhou organizers. Pero puwede pa itong palitan bago ang manager’s meeting,” wika ni Asian Games Chief of Mission Joey Romasanta.
Para makapagpalit ay dapat na may injury ang manlalarong aalisin at dapat na kaakibat nito ay isang medical certificate. Tiyak naman na may pagbabago na magaganap sa line-up dahil inihahabol pa ng SBP si Marcus Douthit na ang proseso para ma-naturalize siya ay gumulong na sa Kongreso nang katigan ito ng House Committee on Justice.
May isa pang PBA players ang nais na makuha ng SBP habang si Fil-Am Chris Lutz ay maaaring maisama na rin dahil nakuha na niya ang kanyang Philippine Passport.
Ang Pambansang koponan sa basketball ay inaasahang aalis ng bansa sa Nobyembre 10 habang ang simula ng Asian Games ay gagawin sa Nobyembre 12.