MANILA, Philippines - Sa limang seasons na kanilang inilaro, iisang beses pa lamang naiuwi ng Adamson University ang pinaka-aasam na titulo, at ngayong araw, may tsansa silang dagdagan ang bilang ng kanilang kampeonato sa Game Two ng best-of-three Finals ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Lumapit ang Lady Falcons sa kanilang ikalawang titulo nang kanilang patumbahin ang San Sebastian College-Excelroof sa Game One noong Huwebes sa loob ng limang sets, 25-13, 25-17, 30-32, 21-25 at 15-13.
Sa naturang panalo, nagkapit-kamay para pamunuan ang Minerva Dulce Pante-coached Lady Falcons ang dalawang guest players na sina former MVP Nerissa Bautista at three-time Best Blocker Mic Mic Laborte na pawang kumamada ng tig-22 puntos habang nagpakita rin ng katatagan ang dalawang mainstay na sina Angela Benting at Pau Soriano na nagsanib para sa 36 puntos.
Kinapitalisa ng Falcons ang malamyang panimula ng Lady Stags ng kanilang iwan ang mga ito sa unang dalawang sets at sinamantala rin nila ang sunod sunod na errors na nakamit ng tropa ni coach Roger Gorayeb sa ikalimang set para angkinin ang tagumpay.
At sa kanilang pagtatangka na isarado na ang season-ending conference ng premyadong volleyball league sa bansa kinakailangang muling ipakita ng Adamson ang kanilang matinding net defense kagaya ng kanilang ipinakita noong Game One na kung saan nagtala sila ng kabuuang 16 blocks, walo mula kay Laborte at tatlo mula kay Soriano.
Kinakailangan rin nilang maging handa sa maaaring pagtatangka ng San Sebastian na makabalik sa serye matapos na mangako ang mga ito na hindi pa huli ang lahat at kaya pa nilang muling makabalik sa serye.
Kung tuluyan na nilang masisikwat ang kampeonato bukas, ito na ang kanilang ikalawang titulo sa prestihiyosong inter-collegiate volleyball league na iniisponsoran ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Visions ang una ay nakuha nila sa unang conference ng Season 8 nang kanilang gapiin ang Ateneo.