MANILA, Philippines - Kagaya ng ibang koponan, hindi rin nagpapahuli ang Rain or Shine sa pagpapalakas para sa darating na 36th season ng Philippine Basketball Association (PBA).
Kinuha ng Elasto Painters si Larry Rodriguez mula sa isang three-player trade sa Powerade Tigers para patibayin ang kanilang frontline.
Makakasama ng 6-foot-4 forward na si Rodriguez sa Rain or Shine sina 6’7 Jay-R Reyes, 6’5 Gabe Norwood, 6’5 Jervy Cruz, 6’4 Doug Kramer at 6’5 Paolo Bugia.
Nasa backcourt naman sina Sol Mercado, Jeff Chan, Ryan Araña, TY Tang at rookies Josh Vanlandingham at RJ Jazul.
Ang produkto ng Philippine Maritime Institute ay unang naglaro para sa Barako Bull Energy Boosters ni mentor Yeng Guiao noong 2008 at nang malipat sa Coca-Cola, ngayon ay Powerade, ay nagkaroon naman ng isang knee injury.
Bago kunin ni coach Caloy Garcia mula sa Tigers ay hinintay muna ng Asian Coatings franchise ang medical results ng tuhod ni Rodriguez.
Para makuha si Rodriguez, ipinalit ng Elasto Painters sa Tigers si 6’2 Eddie Laure at ang kanilang first round draft pick para sa 2011.
Samantala, bilang preparasyon sa darating na All-Pinoy Cup, magtutungo bukas ang Talk ‘N Text sa Qatar para sumabak sa isang invitational tournament na nakatakda sa Setyembre 21-23.
Makakasabayan ng Tropang Texters sa naturang torneo ang national team ng Qatar at mga club squads ng Slovenia at France, ayon kay coach Chot Reyes.
Sa pagdadala kay Mac Mac Cardona sa Meralco, bumili sa prangkisa ng Sta. Lucia, aasahan ng Talk ‘N Text ang mga bagong hugot na sina Larry Fonacier, Rich Alvarez at Ali Peek.
Sina Fonacier at Alvarez ay pinakawalan ng Alaska at Air21 dahil sa masikip nilang salary cap, habang nanggaling si Peek sa Sta. Lucia sa nakaraang PBA Fiesta Conference.