MANILA, Philippines - Ipinakita ni Terrence Romeo na karapat-dapat siya sa pagiging Rookie of the Year sa 73rd UAAP men’s basketball nang pangunahan niya ang malakas na paglalaro sa overtime ng FEU tungo sa 69-59 panalo sa La Salle sa pagsisimula ng Final Four kahapon sa Araneta Coliseum.
Mag-isang giniba ni Romeo ang buong Archers nang magpakawala siya ng dalawang magkasunod na tres matapos matikman ng Archers ang huling kalamangan sa laro sa 59-57, buhat sa triple ni Joseph Marata upang maigiya ang Tamaraws sa Finals.
May 12 puntos nga si Romeo sa kabuuan ng laro at ang anim na puntos sa extention ay higit pa ng dalawa sa kabuuang ginawa ng Archers sa yugto.
Ang papaalis na manlalaro na si Paul Sanga ay nakapagpasikat din nang maipasok niya ang 28-footer may 30.9 segundo sa orasan upang maitabla ang laro sa 55-all.
“Iba talaga ang talent ni Terrence at naniniwala akong gagaling pa ang batang ito,” pagpupugay ni Capacio.
Naunang inakala ng mga panatiko ng Archers na makakahirit ng rubbermatch ang fourth seeds matapos nga ang pagtangan sa 51-42 kalamangan may 6:34 sa orasan matapos magpakawala ng pitong sunod na puntos.
Pero nangapa sa opensa ang tropa ni coach Dindo Pumaren nang magtala na lamang ng apat na puntos mula sa free throw line.
“FEU played well in the last four minutes in the fourth period and we made a lot of lapses. Inexperience pa ang mga bata but hopefully, we can come back and go all the way next year,” wika ni Archers coach Dindo Pumaren.
Isang tres ni Romeo ang nagpatabla sa FEU sa 52-all at matapos ang tatlong pinagsamang free throws nina Andrada at Mendoza ay nagpakawala naman ng triple si Sanga.
Sumablay naman sina Simon Atkins at Mendoza sa dalawang birada sabay tunog ng buzzer upang magkaroon ng limang minutong extension.
May 5 rebounds at 2 steals pa si Romeo habang 7 rebounds at 2 steal naman ang inihatid pa ni Sanga.
Ang ikalawang puwesto sa Finals ay paglalabanan naman ng nagdedepensang Ateneo at Adamson sa Linggo.
Gaya ng FEU, kailangan lamang ng Eagles na manalo sa Falcons para maitakda ang best of three finals nila ng Tamaraws.
FEU 69--Romeo 12, Sanga 12, Garcia 11, Cervantes 9, Ramos 9, Noundou 8, Bringas 2, Exciminiano 2, Knuttel 2, Mendoza 2, Cruz 0.
DLSU 59--Webb 15, Andrada 7, Atkins 7, Mendoza 7, Marata 6, Tolentino 6, Dela Paz 5, Tampus 2, Villanueva 2, Vosotros 2, Ferdinand 0.
Quarterscores: 20-12; 26-32; 40-44; 55-55; 69-59.