MANILA, Philippines - Habang ang mata ng sambayanan ay na kay Dennis Orcollo bilang nagdedepensang kampeon, tiyak ring hahakot ng atensyon ang gagawing paglahok nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante sa pagsisimula ng 10th Annual Predator International Championship sa SM North Edsa ngayon.
Ito ang unang pagkakataon sa huling tatlong taon na masisilayan sina Reyes at Bustamante na maglaro sa singles event sa larangan ng bilyar.
Masidhi rin ang hangarin nina Reyes at Bustamante na manalo sa torneong lalahukan ng mga bigating pool player ng bansa at dayuhan dahil nga sa maagang pagkakasibak sa World Cup of Pool na kung saan sila ang nagdedepensang kampeon.
Si Orcollo naman ang nagbabalak na maidepensa ang titulong napanalunan noong nakaraang taon sa US laban kay Ralf Souquet.
Kasali rin sa mga bigating dayuhan ang kasalukuyang number one player na si Mika Immonen ng Finland, Shane Van Boening at Rodney Morris ng US, at ang mga tulad nina Akagariyama Yukio ng Japan, Lee Chenman ng Hong Kong, Ha Min Ug ng Korea, Vitaly Pavlukhin ng Russia at Bashar Hussain ng Qatar na gusto ring gumawa ng sariling pangalan.