UP bumawi sa cheerdance

MANILA, Philippines - Pinawi ng UP ang di ma­gandang ipinakikita sa UAAP basketball nang ma­kopo nila ang titulo sa Cheerdance competition na idinaos kahapon sa Araneta Coliseum.

Hiniya ng Pep squad ng Maroons ang hamon ng nagdedepensang FEU at makailang ulit na kampeon na UST nang tawagin ang kanilang pangalan bilang pinakamahusay na perfor­mer sa walong koponang nagtagisan.

Ito ang ikaanim na titulo sa nasabing kompetisyon ng UP at ang panalo ay nag­bigay din ng pabuyang umabot sa P340,000 bukod pa sa tig-iisang Samsung Champ cell phones.

Higit sa premyong ito, ang tagumpay ng UP na puma­ngatlo lamang noong nakaraang taon ay tumabon sa masamang kampanya sa larangan ng basketball ng State University nang tumapos sila ng 0-14 sa seniors at juniors na tagisan.

Halagang P200,000 naman ang pakonsuwelong natanggap ng host FEU ha­bang ang UST ay naka­balik uli sa medal winners matapos mawala noong 2009 season bukod sa pagsungkit ng P140,000.

Umabot sa 22,000 tao ang sumaksi sa kaga­napang suportado ng Sam­sung Philippines na naggawad din kay Nikka De Dios bilang Samsung Stunner na isang special award para sa kasapi ng koponang may pinakamagandang mukha.

Tumanggap si De Dios ng La Salle ng ST503 unit na cellphone bilang pabuya.

Show comments