Orcollo, Gomez nasilat sa china

MANILA, Philippines - Hindi nabitbit nina Dennis Orcollo at Roberto Gomez ang magandang panalo na naitala sa semifinals matapos nilang isuko ang 5-10 kabiguan kina Fu Jian-bo at Li He-wen ng China para sa kampeonato ng 2010 PartyPool.net World Cup of Pool na nagtapos kahapon sa Midtown wing ng Robinson’s Place, Ermita, Manila.

Nagkalat si Gomez sa mahalagang race to 10 finals nang magtala ito ng mga unforced errors na senyales na may kaba ito sa dibdib at kinapitalisa ito ng Chinese pair matapos kunin ang walong sunod na racks mula sa 1-1 iskor tungo sa di na matitinag na 9-1 kalamangan.

“There was enormous pressure on our part because everybody wanted to see Philippines win and we’re happy we were able to pull it through,” wika ng mga Chinese cue artist sa isang interpreter.

Halagang $60,000 ang napasakamay nina Fu at Li pero higit dito ay naihanay nila ang sarili kina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante na nakadalawang titulo sa torneong ito.

Unang panalo ay ginawa nina Fu at Li noong 2007 laban sa Finland.

Ang pagkatalo ay nagpanatili kay Orcollo na walang suwerte sa hangaring magkaroon ng World Cup of Pool tropeo bilang kanyang koleksyon.

Noong nakaraang taon ay sumali na rin si Orcollo sa torneong isinagawa sa bansa pero natalo sila sa se­mifinals laban sa Germany na binuo noon nina Ralf Souquet at Thorsten Hohmann.

Nagkaroon ng magandang senyales na mahihigitan ni Orcollo ang naitala noong nakaraang taon nang ma­lusutan nila ang matibay na Chinese Taipei na binuo nina Chang Jung-lin at Ko Pin-yi sa dikitang 9-8 panalo.

Humabol sina Orcollo at Gomez buhat sa 1-3 at 3-5 pagkakalubog at kinuha nila ang apat sa sumunod na limang racks na pinaglabanan para makuha ang 7-6 bentahe.

Nanalo ang Taipei sa sumunod na rack at nagpalitan ng panalo sa dalawa pang racks upang magtabla sa 8-8.

Namuro ang Taiwan na manalo nang pumasok ang tatlong bola sa kanilang sargo pero kinapos ang tangkang pagpapagapang ni Chang sa 2-ball upang mabigyan ng oportunidad na tumira uli ang pambansang kalahok bagay na nagresulta sa panalo.

Halagang $30,000 naman ang pinaghatian nina Orcollo at Gomez sa pagpangalawa sa kompetisyon.

Nakontento naman sa ikatlong puwesto ang Chinese Taipei at Germany, na lumasap ng 7-9 pagyuko sa Chinese pair, para magkaroon lamang ng $16,000 gan­timpala.

Show comments