MANILA, Philippines - Dapat na bumalik na lamang sa pagbo-boxing si Floyd Mayweather Jr. upang mapabango ang nasisira niyang imahen bunga ng mga maling gawain na nangyari nitong mga nagdaang linggo.
Ito ang winika ni Richard Schaefer ang CEO ng Golden Boy Promotions na siyang may hawak sa boxing career ni Mayweather matapos nga ang pagkakaaresto ng walang talong US boxer sa kaso ng domestic assault na inihain ng kanyang dating asawa.
Bago ito ay inatake ni Mayweather si Pacquiao ng mga pananalita na sa pananaw ng nakararami ay isang racist at umani ng di magandang pagtugon sa mga nakabasa at nakapanood sa kanyang video message.
“The spotlight is a glorious light at times, but it can be a hard light too,” wika ni Schaefer kay Mark Vester.
Huling lumaban si Mayweather ay noong Mayo 1 sa MGM Grand sa Las Vegas at tinalo niya si Sugar Shane Mosley sa pamamagitan ng unanimous decision sa 12 rounds.
Sapul nang bumalik sa ring matapos mamahinga ng dalawang taon mula 2007 ay dalawang laban pa lamang ang hinarap ni Mayweather na mayroong 41-0 karta at nakapagdomina sa super featherweight, lightweight, light welterweight, welterweight at light middleweight.
Ang kanyang comeback fight ay laban kay Juan Manuel Marquez noong nakaraang taon at tinalo niya rin ito sa isang unanimous decision.
Sinikap ng kampo ng Top Rank at GBP na isaayos ang laban sa pagitan ni Mayweather at Pacquiao noon pang nakaraang taon pero hindi mangyayari ang inaasam na laban sa mundo ng professional boxing dahil patuloy ang pag-iwas ni Mayweather.
Maging ang HBO president na si Ross Greenburg ay nagpayo na dapat na magising agad si Mayweather sa kanyang maling ginagawa dahil baka mahuli ito at makita niyang wala na ang dating popularidad na tinatamasa.
Si Josie Harris na ina ng tatlong anak nila ni Floyd ay nagsampa ng reklamo sa boxer nang bugbugin umano siya at takutin na papatayin kasama ang kanilang anak nang bumisita ito sa kanilang tinitirahan sa Las Vegas.
Nakulong pansamantala si Mayweather pero nakalabas na matapos magpiyansa ng $3,000.