MANILA, Philippines - Kung may Heavy Bomber mang posibleng makapagbigay sa Jose Rizal U ng inaasam na No. 2 seat sa Final Four, ito ay si Fil-Am guard Nate Matute.
Nagsalpak ng limang three-point shots, pinagbidahan ni Matute ang 73-55 paggupo ng Jose Rizal University sa College of St. Benilde sa second round ng 86th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
“Nag-stepped up si Nate. Talagang malaking factor siya kapag naglalaro ng zone defense ang kalaban namin,” sabi ni Heavy Bombers’ coach Vergel Meneses kay Matute.
Tumapos si Matute na may 17 points kagaya ni Jeckster Apinan para itaas ang baraha ng Jose Rizal sa 10-3 sa ilalim ng San Beda College (12-0) at nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos (11-1) kasunod ang mapua (7-5), Letran College (5-7), St. Benilde (4-9) at mga sibak nang Emilio Aguinaldo College (2-11) at University of Perpetual Help-System Dalta.
Nagdagdag si JR Bulangis ng 14 points para sa Heavy Bombers kasunod ang 11 ni Raycon Kabigting.
Kung matatalo ang Blazers sa isa sa kanilang huling apat na laban ay tuluyan na silang magbabakasyon kasama ang Generals at Altas.
Umiskor si Carlo Lastimosa, pamangkin ni dating PBA star Jojo Lastimosa, ng 18 points para sa St. Benilde.
Sa ikalawang laro, iginupo naman ng Arellano ang EAC, 71-60.
Jose Rizal 73- Matute 17, Apinan 17, Bulangis 14, Kabigting 11, Lopez 6, Montemayor 2, Hayes 1, Etame 0, Duncil 0, Almario 0
St. Benilde 55- Lastimosa 18, de Guzman 10, McCoy 8, Nayve 6, Sinco 4, Tan 4, Wong 2, Argamino 2, Manalac 1, Abolucion 0, Amin 0
Quarterscores: 14-12; 37-24; 56-39; 73-55.