Serye ipinatas ng Cebu sa 1-1

MANILA, Philippines - Hindi basta-basta ma­ku­kuha ng Misamis Orien­tal ang kampeonato sa Tou­rnament of the Philippines (TOP).

Ito ang ipinakita ng M. Lhuillier Kwarta Padala-Cebu nang angkinin ang 78-75 panalo sa Meteors sa Game-Two ng kanilang best-of-five title series na nilaro nitong Miyerkules sa Cebu Coliseum sa Cebu City.

Nagpakawala ng 19 puntos si Patrick Cabahug pero markado sina Reed Juntilla at Neil Raneses upang mangapa sa puntos ang bisitang koponan.

Matapos maghatid ng 19 at 17 puntos sa Game One na kanilang ipinanalo, 90-87, hindi lumampas sa sampung puntos ang ginawa nina Juntilla at Raneses nang malimitahan lamang sa 14 puntos.

Bigo man ay malaki pa rin ang tsansa ng Meteors na mapanalunan ang kampeonato sa ligang pinagtulungang i-organisa ng Philippine Basketball League at Liga Pilipinas dahil sa Xavier University sa Cagayan de Oro City gagawin ang susunod na dalawang laro.

May 14 puntos si Nat Cruz habang pinagsamang 33 puntos ang ibinigay naman nina Mark Magsumbol, Bruce Dacia at Marlon Basco.

Show comments