MANILA, Philippines - Isa itong ‘major, major upset’ para sa mga billiards legends na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante.
Pinatalsik nina Muhammad Zulfikri at Ricky Yang ng Indonesia ang nagdedepensang sina Reyes at Bustamante, 8-6, papasok sa quarterfinal round ng 2010 PartyPoker.net World Cup of Pool kagabi sa Midtown Wing ng Robinson’s Place sa Ermita.
Matapos buksan nina Reyes at Bustamante ang laro sa 1-0 lamang, nakatabla naman sina Chang at Zulfikri sa 3-3 patungo sa kanilang two-rack lead, 5-3.
Naitabla ng 55-anyos na si Reyes at ng 47-anyos na si Bustamante ang laro sa 5-5 kasunod ang dalawang sunod na panalo nina Chang at Zulfikri para sa kanilang 7-5 bentahe.
Naagaw nina Reyes at Bustamante ang 14th rack para sa kanilang 6-7 agwat bago ang mintis ni Reyes sa No. 1 ball na sinamantala nina Chang at Zulfikri para sa kanilang panalo.
Dumaan naman sa butas ng karayom sina American Johnny Archer at Rodney Morris bago lusutan sina Marcus Chamat at Thomas Mehtala ng Sweden, 8-7, para umabante sa quarterfinals.
“I’m just glad we won but I thought we played better all the way and when we had a chance we took it,” sabi ni Morris sa naturang pagtakas nila ni Archer.
“I wasn’t nervous as I knew we were playing well so it was just a matter of getting the opportunity,” dagdag pa ng American cue artist.
Binigo naman nina David Alcaide at Francisco Sanchez Ruiz ng Spain sina Luong Chi Dung at Do Hoang Ruan ng Vietnam, 8-5, habang pinayukod nina Niels Feijen at Huidji See ng Holland sina Mario He at Jasmin Ouschan ng Austria, 8-3, at tinalo nina Ko Rin-yi at Chang Jung-lin ng Taiwan sina Naoyuki Oi at Toru Kuribayashi ng Japan, 8-2.
Nakatakdang makatagpo nina Dennis Orcollo at Roberto Gomez sa quarters sina Alcaide at Ruiz.
Kabuuang 32 koponan mula sa 31 bansa ang kalahok sa torneong may $60,000 gantimpala para sa tambalang magkakampeon.