MANILA, Philippines - Naibaon na sa limot nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ang bangungot ng 2007 Thailand SEA Games nang iukit ang 8-3 panalo laban kina Nitiwat Kanjanasri at Sorathep Phoochalam ng Thailand sa pagbubukas ng 2010 PartyPoker.net World Cup of Pool sa Midtown wing ng Robinson’s Place sa Ermita, Manila kagabi.
Humugot ng inspirasyon ang pambato ng bansa sa pool sa nag-uumapaw na palaruan upang balewalain ang naunang 2-0 kalamangan ng bisitang manlalaro.
Limang sunod na racks nga ang kinuha nina Reyes at Bustamante para tuluyang makuha ang momentum sa race to eight, winner’s break na tagisan sa round of 32.
“Iba talaga kapag sa harap ng mga kababayan ka naglalaro,” wika nga ni Reyes na kasama si Bustamante ay hangad na maduplika ang pagdodomina sa kompetisyon noong nakaraang taon na ginanap din sa bansa upang makopo ang ikatlong World Cup of Pool title.
Kasabay ng pag-init nina Reyes at Bustamante ay ang paglamig nina Nitiwat at Sorathep na noong 2007 ay umani ng 7-4 panalo sa quarterfinals ng 9-ball doubles sa SEA Games.
Tatlong matitinding pocketing errors ang ginawa ni Thais sa racks number five, seven at ten para katampukan ang kanilang pagbagsak.
Naipakita nina Yang at Zulfikri ang determinasyong manalo nang humabol sila buhat sa 0-5 at 2-6 pagkakalubog upang manatiling palaban sa titulo.
Nagpasikat din ang German pair na sina Ralf Souquet at Oliver Ortmann sa pamamagitan ng 8-4 panalo kontra kina Lee Chenman at Kenny Kwok ng Hong Kong.
Sa iba pang resulta, nanalo sina Konstantin Stepanov at Ruslan Chinakhov ng Russia kina John Morra at Jason Klatt ng Canada, 8-4.