MANILA, Philippines - Matapos ang Southeast Asian Games at World 10-Ball, ang gintong medalya naman sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China ang hangad ni woman billiards player Rubilen Amit.
“Sana nga makuha ko rin ‘yung gold medal sa Asian Games after ng Southeast Asian Games and world 10-ball,” sabi ni Amit, lalahok sa women’s 8-ball at 9-ball singles event sa 2010 Guangzhou Asiad sa Nobyembre 12-27.
Noong 2005 Manila SEA Games, dalawang gold medal ang tinumbok ng produkto ng University of Sto. Tomas sa women’s 8-ball at 9-ball singles.
Pinagreynahan naman ng 28-anyos na si Amit ang korona ng 2009 World 10-Ball matapos talunin si 9-ball queen Liu Shin Mei ng Taipei, 10-4, sa kanilang finals match.
Sinabi ni Amit na handa na siyang sumabak sa 2010 Guangzhou Asiad katuwang sina Iris Ranola at Mary Ann Basas.
“I think 80 percent ready na ako. Kapag nandoon ka na kasi it’s all about kung anong situation na lang ang ibibigay sa iyo ng bola,” ani Amit sa kanyang paglahok sa nasabing quadrennial event.
Hindi rin ikinaila ni Amit ang ginagawang pagtulong sa kanya nina billiards masters Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante na nagsisilbing coaches ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP).
“I think konting polishing na lang sa placing para doon sa paghahanda namin sa Asian Games,” sambit ni Amit.
Sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, humakot ang bansa ng apat na gold, anim na silver at siyam na bronze medal para tumapos bilang 18th-placer.