MANILA, Philippines - Ang patuloy na pag-iwas ni Floyd Mayweather Jr. na harapin si Manny Pacquiao ang siyang mag-aalis sa hangarin nito na makilala bilang pinakamahusay na boksingero sa kasaysayan ng professional boxing.
Ito ang winika ni Freddie Roach na pinatutsadahan din si Mayweather na namimili lamang ng mga kalabang nakikita niyang kanyang tatalunin upang mapangalagaan ang kanyang kawalan ng talo sa laban.
“He wants to keep the zero in his record so he can argue that he is the best fighter in the world. As long as he has that zero, he can make an argument, but once the zero is gone, the argument is over,” wika ni Roach sa panayam ng Boxingscene.
May 41-0 karta si Mayweather pero patuloy niyang isinasantabi ang hamong hatid ng Pambansang kamao.
Lahat na ng dahilan ay ginagawa ni Mayweather upang maudlot ang pagkakasara ng usapin para magkasukatan sila ni Pacquiao na kinasasabikan ng mga mahihilig sa boxing.
“A loss is part of life. A loss can make you better. Actually, its good to lose sometimes in our lives to improve ourselves, to get a wake up call,” paliwanag pa ng trainer na may-ari rin ng Wild Card Gym.
Tinuran niya si Sugar Ray Robinson na ikinokonsidera bilang pinakamahusay na boksingero sa kasaysayan ng boxing na naabot ang estado kahit may 19 kabiguan laban sa 173 panalo dahil mga de kalibreng katunggali ang mga hinarap nito.
“But when he compares himself to those type of guys, it doesn’t sit with me too well because he won’t even fight the best guys out there today,” pagmamaliit pa ni Roach.
Inihalimbawa pa niya si Antonio Margarito na makakalaban ni Pacquiao sa Nobyembre 13 para sa bakanteng WBC junior middleweight title sa Cowboy’s Stadium sa Texas, bilang isa sa boksingerong unang iniwasan ni Mayweather.
“He was offered a lot of money to fight him twice and ducked him. He picks and chooses his opponent and if that’s what he’s going to be happy with, so be it,” banat pa ni Roach.
Dahil nga sa mga binitiwang pahayag at pagpapaliwanag, idinagdag ng beteranong trainer na huwag ng umasa pa ang mga mahihilig sa boksing na mapanood ang laban nina Mayweather at Pacquiao dahil sa kanyang paniniwala ay hindi na ito mangyayari kailanman.