MANILA, Philippines - Sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas ay ang uniporme na ng Derby Ace ang isusuot ni pointguard Jonas Villanueva.
Ito ay matapos siyang dalhin ng San Miguel sa Derby Ace kapalit ni pointguard Paul Artadi sa isang three-team, three-player trade sangkot ang Air21.
Sa naturang trade, makukuha ng Express, magbabandera kina No. 1 at No. 2 overall picks Nonoy Baclao at Rabeh Al-Hussaini sa 36th season ng PBA sa Oktubre, ang future second-round pick ng Llamados.
Posible ring ipamigay ng Air21 sa Derby Ace ang sinuman kina Wesley Gonzales at Rich Alvarez.
Samantala, iniwanan naman nina 6-foot-3 forward Jerwin Gaco at pointguard Al Vergara ang Barako Bull matapos muling sumama sa Philippine Patriots at Singapore Slingers, ayon sa pagkakasunod, sa Asean Basketball League (ABL).
Ilan naman sa mga free agents na nakikipag-ensayo sa Coffee Masters ay sina Chris Calaguio ng San Miguel at Marvin Cruz ng Powerade (Coca-Cola).
Hinugot ng Barako Bull sa nakaraang draft sina pointguard Borgie Hermida ng San Beda at 6’4 Hans Thiele ng University of the East.
Sina Paolo Hubalde, Jojo Duncil, Reed Juntilla, Chad Alonzo, Rob Wainwright, Mark Isip, Richard Yee, Aris Dimaunahan at Bryan Faundo ang siya pa ring ipaparada ng Photokina franchise.
Bukod kina Calaguio at Cruz, nagpapakita rin sa praktis ng Coffee Masters sina Anthony Espiritu, Mark Canlas, John Smith, Dennis Rodriguez, Chito Jaime at Christian Cabatu.
Tumapos ang Barako Bull na may 6-30 win-loss record sa nakaraang dalawang PBA conferences.