MANILA, Philippines - Dudulog sa korte si GM Rogelio Antonio matapos siyang alisin sa Pambansang koponan nang hindi makalaro sa dalawang malalaking kompetisyon na ginaganap sa bansa.
“The actuations of Mr. Prospero Pichay and Mr. Willie Abalos had besmirched my reputation as a national sports figure, and had caused me extreme mental anguish and sleepness nights. They left me without a choice but to sue them in court, civilly and criminally,” wika ni Antonio sa kanyang statement.
Inalis si Antonio, ang board two player ng bansa, ng kanyang piliin na maglaro na lamang sa tatlong araw na mga torneo sa US sa halip na sa dalawang malalaking troneo na 6th Pichay Cup at 1st Florencio Campomanes Memorial Cup na idinadaos sa Ninoy Aquino Stadium.
Ipinalit kay Antonio si IM Richard Bitoon na siyang magiging reserve sa koponang binubuo ng mga Grandmasters na sina Wesley So, John Paul Gomez, Darwin Laylo at Eugene Torre.
Pero ipinasa ni Antonio ang sisi sa pangulo ng NCFP na si Pichay dahil nilagdaan niya ang liham na humihingi ng pondo sa Philippine Sports Commission para ipansuporta sa kanyang paglahok sa torneo sa US.
“I’m surprised at this complete turn-around in the stand of Mr.Pichay. Maybe, he has forgotten it and just listened to the suggestion of Willie Abalos his trusted man,” wika nito.
Sinikap ng asawa ni Antonio na si Aileen na umapela kay Pichay nang magtungo ito sa tanggapan ng NCFP kahapon pero hindi na ito dininig ng opisyal. Nauna ng sinabi ni Pichay na nilagdaan niya ang liham dahil sa paniniwalang babalik si Antonio para lumaro sa Campomanes Cup.
Ipinag-utos ng NCFP president sa lahat ng mga kasapi ng national team na maglaro kahit sa isa sa Pichay Cup at Campomanes Cup dahil ang torneong ito ay nilalahukan ng mga bigating GMs ng ibang bansa at may basbas ng FIDE.