MANILA, Philippines - Ipagpapatuloy ng STI ang kanilang pagkapit sa ikalawang puwesto sa kanilang pagbangga sa host St. Clare ngayong araw sa pagpapatuloy ng aksyon ng 10th edisyon ng National Athletic Association Of Schools, Colleges and Universities sa University of Manila Gym sa alas-11 ng umaga.
Ang mga Olympians ni coach Vic Ycasiano ay galing sa pagdurog sa University of Makati noong Linggo, 83-49 sa STI Global City sa Taguig upang makisosyo sa ikalawang puwesto kasama ang Our Lady Of Fatima at Centro Escolar University.
Kung magtatagumpay ang bataan ni coach Vic Ycasiano, lalapit sila sa nangungunang UM Hawks na kasalukuyang may 8-1 win-loss card.
Susubukan namang kumawala sa pagsosyo sa ikatlong puwesto ng CEU na mayroong 6-2 baraha kasama ang OLFU sa kanilang pakikipagbuno sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasay sa alas-2 ng hapon.
Tatangkain naman ng AMACU at Informatics na humiwalay sa isa’t isa sa kanilang banggaan sa ganap na alas-9:30 ng umaga upang umangat mula sa three-way tie para sa ikaapat na puwesto kasama ang San Sebastian College-Cavite na pawang may 5-4 na record.