Pinoy boxers wagi sa mga dayuhan sa Cebu

MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Rey “Boom Boom” Bautista ang pagdodomina ng mga boksingero ng bansa laban sa mga dumayong katunggali sa Philippines against the World nitong Sabado ng gabi sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City.

Hindi nakaporma ang Mexicanong si Alejandro Bar­rera nang paduguin ni Bau­tista ang ilong sa unang mga rounds.

Natapos lamang ng ma­aga ang sagupaan nang itigil ng ring physician ang laban matapos maputukan sa kanang eyelid ang pinsan ng batikang Mexican boxer na si Marco Antonio Barrera upang igawad ang panalo kay Bautista.

Ika-29 tagumpay sa 31 la­ban ito ni Bautista at ginamit niya ang sagupaang ito bilang paghahanda sa mas malaking laban sa Dubai sa Oktubre laban kay Hector Julio Avila para sa bakanteng IBF inter-continental featherweight title.

Sina Jimrex Jaca, Milan Melindo at Florante Condes ay nagdomina rin sa mga laban upang maging ma­kinang ang pa-boxing na ito na handog ng Ala Pro­motions.

Ang nagbabalik sa ring na si Jaca ang kumu­ha sa pinakamabilis na panalo nang patulugin sa ring may 2:22 sa unang round si Pipino Cuevas Jr. ng Mexico.       

 Hindi kinaya ni Cuevas ang magalakas na kombinasyon na pinakawalan ni Jaca upang mabigo tu­lad ng kababayang si Barrera.

Si Milendo naman ay napalaban kay Jeon Jin-man ng Korea ngunit isang malakas na suntok sa ka­nang mata ng kalaban ang nagpasuko rito upang matapos ang laban may 43 segundo sa ikalawang round.

Si Condes ang siyang nasabak sa kabuuan ng wa­long rounds pero sapat ang ipinakita para kunin ang 80-71 panalo laban kay Sofyan Effendi ng Indonesia para sa isa ring tagumpay.

Show comments