MANILA, Philippines - Pinaigting pa ng UE ang ginagawang pagbangon nang kalusin ang nagdedepensang Ateneo, 62-60, sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Naipasok ni James Martinez ang buslo sa layong 28-feet upang bigyan ng 61-57 kalamangan ang Warriors at nang makapanakot ang Eagles at dumikit sa isa, 61-60, si Paul Lee ang namuno sa depensa upang masungkit ng tropa ni coach Lawrence Chongson ang ikaapat na panalo sa 11 laro.
Tinapikan hanggang sa maagaw ni Lee ang bola kay Frank Golla na humablot ng krusyal na offensive rebound sa mintis ni Kirk Long upang mapigil ang Ateneo na maagaw pa ang kalamangan sa laro.
Si Lee na bumanat lamang ng 9 na puntos sa masamang 3 of 15 shooting, ay nalagay sa free throw line sa foul ni Golla may .4 segundo sa orasan at ipinasok ang unang buslo bago sinadyang imintis ang ikalawa para selyuhan ang tagumpay.
Ang kabiguan naman ay tumapos sa anim na sunod na panalo ng bataan ni coach Norman Black at ang masakit ay nalasap ang ikatlong kabiguan sa 11 laro na nag-antala sa pagpasok nila sa Final Four.
May 16 puntos si Eric Salamat habang 10 naman ang ibinigay ni Edwin Escueta pero hindi nakumpleto ng koponan ang mga krusyal na buslo sa mahalagang tagpo ng labanan sanhi ng kabiguan.
Sa ikalawang laro, pinahigpit pa ng Adamson U ang kanilang kapit sa pakikisalo sa ikalawang puwesto nang talunin ang UP Maroons, 74-51.
UE 62 – Martinez 22, Rosopa 12, Lee 9, Acibar 7, Reyes 6, Santos 2, Casajeros 2, Tagarda 2, Enguio 0.
Ateneo 60 – Salamat 16, Escueta 10, Monfort 9, Chua 9, Buenafe 5, Long 4, Dela Cruz 3, Tiongson 2, Golla 2.
Quarterscores 10-8, 27-27, 38-45, 62-60.