MANILA, Philippines - Hindi mangingimi ang National Chess Federation of the Philippines (NCFP) na tanggalin si GM Joey Antonio matapos nitong ituloy ang pagtungo sa US upang lumaro sa dalawang chess tournaments.
Si Antonio ay umalis patungong US at nanalo siya sa idinaos na 2nd Central California Open na idinaos sa Fresno, California nitong Agosto 19-22.
Nakapunta sa US sa tulong ng PSC at PCSO, si Antonio ay maglalaro pa sa Atlantic Open mula Agosto 27-29 at ang dalawang torneong ito ay ginagamit niya bilang bahagi sa preparasyon sa 39th World Chess Olympiad sa Khanty-Mansiysk, Russia at sa Guangzhou Asian Games sa Nobyembre.
Ngunit nalalagay siya sa kontrobersya dahil hindi sang-ayon ang NCFP sa pamumuno ng pangulong si Prospero Pichay na lumahok siya sa US events na ito dahil tatlong araw lamang ang kompetisyon at hindi ito binasbasan ng FIDE.
Sa halip ay mas nais ni Pichay na ang mga national team players ay sumali sa 6th Pichay Cup at sa 1st Florencio Campomanes Memorial Cup na aaniban ng mga bigating GMs ng ibang bansa.
Inabisuhan na si Antonio ng NCFP na bumalik agad ng bansa at lumahok sa Campomanes Cup na bubuksan sa Sabado sa Ninoy Aquino Stadium o kung hindi ay mawawala siya sa national team.
Si Antonio na ikinategorya bilang elite athlete ng dating PSC chairman Harry Angping ay maglalaro bilang board two ng men’s teams.
Si Super GM Wesley So at mga GMs John Paul Gomez, Darwin Laylo at Eugene Torre ang mga nominado sa Pambansang koponan at kakatawan sa dalawang malalaking torneo.