MANILA, Philippines - Patuloy na iwinagayway ni World Chess Olympiad-bound GM John Paul Gomez ang watawat ng Pilipinas sa fourth round ng 6th Prospero Pichay Cup international chess championship sa Ninoy Aquino Stadium.
Ito ay matapos umiskor ng draw si Gomez, kakampanya sa 39th World Chess Olympiad sa Khanty-Mansisyk, Russia sa Setyembre, kay top seed GM Murtas Kazhgaleyev ng Kazakhstan sa 41 moves ng Slav sa third round at talunin si IM Sadikin Irwanto ng Indonesia sa 38 moves ng Catalan sa fourth round.
Nakasalo ni Gomez sa liderato si GM Anton Filippov ng Uzbekistan mula sa magkatulad nilang 3.5 points. Binigo naman ni Filippov si GM Jayson Gonzales sa third round at nakipag-draw kay Kazhgaleyev sa fourth round.
Sampu pang chess players, sa pangunguna nina Kazhgaleyev at GM Merab Gagunashvili ng Georgia, ang magkasalo sa third hanggang 12th places sa kanilang 3.0 points.
Nakipag-draw si Gagunashvili kina Irwanto at Geogian Tamaz Gelashvili.
Tinalo naman ni GM Darwin Laylo sina Mari Joseph Turqueza at IM Roy Sartapshi ng Indonesia para sa kanyang 3.0 points.