MANILA, Philippines - Muli na namang nakipagkasundo sa tabla si Pinoy GM Wesley So laban kay Israeli GM Boris Gelfand sa kanilang bakbakan sa ikawalong round ng 2010 NH Rising Stars vs Experience Chess Team Tournament kahapon sa Hotel Krasnapolsky sa Netherlands.
Sinubukan ng highest-rated wood pusher sa nasabing torneo na si Gelfan na samantalahin ang kahinaan ng puting piyesa ni So ngunit nagawa ng pambato ng Pilipinas na mapuwersa ang laban patungo sa sitwasyon na maaaring magtapos sa tabla.
Ito ang ikalawang beses na nagtapos sa tabla ang dalawang GM’s, ang una ay noong unang round na naganap noong Agosto 14.
Nananatili lamang si So na mayroong 3.5 puntos mula sa pitong tabla at isang kabiguan. Kakaharapin ng tubong Bacoor, Cavite na si So sa ikasiyam na round si GM Ljubomir Ljubojevic ng Serbia at GM Loek van Wely ng Netherlands sa huling round.
Samantala, iginupo naman ni GM Anish Giri si GM Ljubojevic upang pangunahan ang Rising Stars sa 3-2 panalo kontra sa mga Experience sa ikawalong round at 22-1 sa kabuuan ng torneo na may dalawang round na lamang ang nalalabi.
Ang tagumpay na ito ang nagbigay kay Giri ng kalamangan laban sa mga kakamping sina GM Hikaru Nakamura ng USA at Fabiano Caruana para sa individual record at para sa pinakaasam na puwesto sa Amber Blindfold and Rapid Tournament.
Sa kabuuan, mayroon ng 5.5 points si Giri mula sa tatlong panalo at limang tabla habang si Nakamura naman na nakipagtabla kay GM Peter Heine Nielsen ng Denmark ay may limang puntos mula sa apat na tagumpay, dalawang talo at dalawang tabla.
Nagtapos rin sa tabla ang isa pang labanan sa pagitan nila GM David Howell ng England at Van Wely matapos ang 88 na galaw sa loob ng halos anim na oras ng paglalaro.