Ateneo, La Salle nanalasa

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang pagka­kakapit ng Ateneo at La Salle sa unang apat na puwesto nang magsipanalo sa kanilang hiwalay na laro sa pagpapatuloy kahapon ng 73rd UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.

Sinandalan ng Archers ang tibay ni Almond Voso­tros nang pamunuan niya ang koponan sa 59-56 ta­gumpay sa kinapos na National University para maisulong ang karta sa 5-3.

May 16 puntos, tampok na buslo ni Vosotros ang dalawang free throws sa huling pitong segundo sa foul na ibinigay ni Joseph Terso upang maipaghiganti rin ng koponan ang tinamong 55-59 kabiguan sa Bulldogs sa unang ikutan.

“Malaking panalo ito pa­ra sa amin dahil ilang close games din ang nata­lo kami sa first round. Makakatulong ito para lalong gumanda ang takbo ng team,” wika pa ni coach Dindo Pumaren.

Si Emmanuel Mbe ang muling nanalasa sa Bulldogs sa ibinigay na 15 pun­tos at 17 rebounds pero hindi ito sapat sa pagkaka­taong ito para maipanalo ang NU upang malaglag sila sa 3-5 baraha.

Naunang kuminang ang nagdedepensang Ateneo nang kanilang durugin uli ang UP, 75-59.

May career high na 23 puntos si Emman Monfort habang gumawa ng 8 of 10 shooting si Justin Chua tungo sa 16 puntos para mamuno sa dominasyon ng Eagles na nagbalik sa koponan sa ikalawang puwesto kasalo ng Adamson sa 6-2 baraha.

Show comments